Halos pitong taon na nung ikinasal ako. Bukod sa first time kong magkaroon ng bonggang-bonggang party, wala ako masyadong maramdamang naiba sa buhay ko. Siguro mas mabilis na maubos ang toothpaste ko. Tsaka may humihilik sa tabi ko at may nakikiagaw ng unan ko. Pero parang halos tulad pa din ng dati. Sabay na nga lang kami umuuwi pagkatapos ng date at hindi na ako kelangang ihatid (tipid na sa pamasahe si mister!).
Pag may asawa ka, kung gustuhin ay kaya pang maka-eyeball with friends. Ako, para may makasamang manuod ng Star Cinema romcoms na di kelangan ilibre kasama ko. Siya, para makapaglaro at makakwentuhan ng basketball na di lang nagkukunwaring enjoy sa usapan.
Matagal-tagal din bago ko na-internalize na misis na ako
Pero pag naging magulang ka... walang time para isipin kung na-internalize mo. Feel mo o hindi, sasabak ka agad sa giyera.
Date? Makakain lang kami sa tamang oras, win na yun!
Guilty pleasures? Mas madaling makaramdam ng guilt kesa pleasure.
Movies? Nung first time kong magtangkang manuod ng pelikula pagkatapos manganak, nakatulog ako. "The Hobbit" na yun, maingay ang surround-sound-dolby-digital-THX feature ng sinehan. Wa epek. Knockout pa din ako. Best sleep I had in six months. So sulit na rin ang binayad sa sine.
Television? Peppa Pig at Pocoyo at Sesame Street. Maximum one hour per day. Fine, two hours para may magawa akong ibang bagay (alagaan yung sa isa pang anak).
Music? Sawa na akong kumanta ng "Twinkle, twinkle" at "This Old Man" at sari-saring nursery rhymes araw-araw. Pero first time ko magkaroon ng fan. Pagkatapos ng isang awit, masasabihan ako ng "Nanay, again!"
Fashion? Kung ano mahablot sa closet, yun na. Keber kung bagay ang top sa bottom. Basta may top and bottom.
Friends? Ewan ko kung kilala pa nila ako. Isang himala pag nakasama ng gimik. Ihanda ang marching band pag sumagot ako sa invitation ng "see you."
Minsan, napapaisip ako... ano ba itong pinasukan ko? Wala na itong bawian. Pero kapag may isang bulinggit na yumakap sa iyo at nagtanong, "happy ka, Nanay?" Kapag tumingin ka sa mata niya at sumagot ng "oo," alam mong nagsasabi ka ng totoo.
No comments:
Post a Comment